Kay Celia
Kapag
naaalaala ng makata ang nakaraan, iisang babae ang binabalikan niya sa
gunita, si Celia lamang. Matamis ang kanilang pag-iibigan at masaya
sila habang namamasyal sa Ilog Beata at Hilom. Ngunt ngayo’y di
mapigilan ng makata ang pagluha kapag naiisip na baka naagaw na ng iba
ang pag-ibig ni Celia. Dahil sa kalungkutan, natutong magsulat ng tula
ang makata. Inihahandog niya ang tulang ito kay Celia, na ang sagisag ay
M.A.R.(Maria Asuncion Rivera)
Sa Babasa Nito
Nagpapasalamat ang makata sa mga babasa ng kanyang awit. Ang kanyang
akda ay parang bubot na prutas sa unang tingin ngunit masarap kapag
ninamnam. Hinihiling ng makata na huwag babaguhin ang kanyang berso at
pakasuriin muna ito bago pintasan. Kung may bahaging di malinawan,
iminumungkahi niyang tumingin lamang ang mambabasa sa ibaba ng pahina at
may paliwanag doon. Ipinakiusap din niya na huwag babaguhina ng mga
salita sapagkat sa halip na mapabuti ay baka sumama pa ang akda.
Sa Mapanglaw na Gubat
Nagsisimula ang awit sa isang madilim at mapanglaw na gubat na di halos
mapasok ng sikat ng araw. Madawag ang gubat at maraming puno ng higera
at sipres. Maraming hayop dito, tulad ng ahas, basilisko, hyena, tigre
at leon. Sa isang punong higera sa gitna ng gubat, naktali ang paa,
kamay at leeg ng isang guwapong binata, na may makinis na balat at kulay
gintong buhok. Sayang walang mga nimpa sa gubat na makapagliligtas sa
binata.
Ang Reynong Albanya
Umiiyak ang binatang nakagapos. Sinabi niyang naghahari ang kasamaan sa
kahariang Albanya. Bawal magsabi ng totoo, may parusa itong kamatayan.
Kagagawan ni Konde Adolfo ang lahat, sapagkat ibig nitong mapasakanya
ang kapangyarihan ni Haring Linseo at ang kayamanan ni Duke Briseo na
ama ng nakagapos.
Sawing Kapalaran
Nakikiusap ang binatang nakagapos na ibagsak ng kalangitan ang poot nito
at parusahan ang masasama. Alam niyang lahat ng nangyayari ay sa
ikabubuti ng lahat kaya’t nakahanda siyang magdusa. Ang tanging hiling
niya ay sana, maalaala siya ng minamahal na si Laura. Kung naiisip
niyang iniiyakan ni Laura ang kanyang pagkamatay, para na rin siyang
nagkaroon ng buhay na walng hanggan. Ngunit ang labis na ipinaghihirap
ng kanyang loob ay ang hinalang baka naagaw na ng kanyang karibal na si
Adolfo ang pagmamahal ni Laura.
Mga Hinaing ng Lalaking Nakagapos
Larawan
ng kalungkutan at pagseselos ang binatang nakagapos. Isinigaw niya sa
buong kagubatan ang kanyang sama ng loob dahil tila nalimot na siya ni
Laura, ngayon pa namang kailangan niya ito. Noon, kapag patungo sa
digmaan, ang binata ay pinababaunan ni Laura ng luha at ng bandang may
letrang L at mahahalagang bato. Pagkagaling sa labanan, munting galos ng
binata ay huhugasan agad ni Laura ng luha. At kung nalulungkot ang
binata pinipilit siyang aliwin ni Laura.
Halina, Aking Laura
Ibig
ng binatang nakagapos na muling ipakita ni Laura ang dating
pag-aalaala sa kanya. Ngunit natatakot ang lalaki na baka naagaw na ni
Adolfo so Laura. Kaya’t nasabi niyang pasasalamatan pa niya si Adolfo
pahirapan man siya nang husto, huwag lamang agawin si Laura. Lumuha ng
lumuha ang lalaki hanggang sa siya’y mapayukayok.
Ang Pagdating ng Gerero
Nagkataong
dumating sa gubat ang isang mandirigma o gerero na sa pananamit ay
masasabing isang Morong taga-Persiya. Naupo ito sa lilim ng isang puno
at lumuluhang naghimutok. Nagbanta siya na sino mang umagaw sa
pagmamahal ng babae ay papatayin niya, maliban sa kanyang ama.
Naihimutok ng gererong Moro na sadyang napakalaki ng kapangyarihan ng
pag-ibig. Kahit mag-aama’y nag-aaway nang dahil sa pag-ibig.
Duke Briseo—Mapagkandiling Ama
Nang
huminto sa paghihimutok ang gerero, nagulat pa ito sa sumalit na
buntung hininga ng lalaking nakagapos. Moo’y ginugunita ng nakagapos ang
amang mapagmahal na ipinapatay ni Adolfo. Pinaghiwa-hiwalay ang ulo,
katawan at mga kamay ng kanyang ama at walang nakapangahas na ito’y
ilibing. Ngunit hanggang sa huling sandali, tanging kapakanan ng
kaisa-isang anak ang nasa isip ng ama.
Panaghoy ng Gereo
Naalaala
rin ng gerero ang sariling ama na kaiba sa ama ng lalaking nakagapos ay
di nagpakita ng pagmamahal sa anak minsan man. Ang lalong masakit, ang
kanyang ama pa ang umagaw sa babaing kanyang pinakamamahal. Maagang
naulila sa ina ang gerero kaya’t di siya nakatikim ng pagmamahal ng
magulang. Naputol ang iniisip ng gerero nang marinig sa nakagapos na
malibing man ito ay patuloy pa ring mamahalin si Laura.
Sa Harap ng Dalawang Leon
Dalawang
leon ang papalapit sa nakagapos ngunit parang naaawang napahinto ang
mga ito sa harap ng lalaki. Sa harap ng nagbabantang kamatayan sa pangil
ng mga leon, nagpaalam ang binata sa bayang Albanya na pinaghandugan ng
kanyang paglilingkod at kay Laura. Sinabi ng binata na ang lalong
ipinaghihirap ng kanyang loob ay ang pangyayaring haharapin niya ang
kamatayan nang di angkin ang pag-ibig ni Laura.
Ang Pagliligtas sa Lalaking Nakagapos
Hindi
na natiis ng gerero ang naririnig na daing. Kaya’t hinanap niya ang
pinanggagalingan ng tinig. Pinagputol-putol ng gerero ang mga dawag
hanggang marating ang kinaroroonan ng nakagapos. Anyong sisilain na ng
dalawang leon ang binata na sa tindi ng hirap ay nawalan ng malay.
Pinagtataga ng gerero ang dalawang leon hanggang sa mapatay. Pagkatapos
kinalagan nito at kinalong ang binata.
Sa Kandungan ng Gerero
Nang matauhan ang binata, si Laura agad ang unang hinanap. Nagulat pa
ito nang mamalayang nasa kandungan siya, hindi ni Laura, kundi ng isang
Moro. Ipinaliwanag ng gerero na di niya natiis na di tulungan ang
binata, sapagkat magkaiba man sila ng pananampalataya, nakaukit din
sakanyang puso ang pagtulong sa kapwa, gaya ng iniuutos ng Langit ng mga
Kristiyano. Sa halip na magpasalamat, isinagot ng binata na higit pang
ibig niyang mamatay sa laki ng hirap na dinaranas. Sa narinig na ito,
napasigaw ang gerero.
Paglingap ng Gerero
Walang
kibuan ang dalawa hanggang sa lumubog ang araw. Dinala ng gerero ang
binata sa isang isang malapad at malinis na bato. Dito pinakain ng Moro
ang binata na di nagtagal ay nakatulog sa kanyang kandungan. Magdamag na
binantayan ng gerero ang binata, na tuwing magigising ay naghihimutok.
Nang magising kinaumagahan, nakapagpanibagong lakas na ang binata.
Itinanong ng Moro ang dahilan ng paghihirap ng loob nito.
Kamusmusan ni Florante
Isinalaysay
ng binata ang kanyang buhay. Siya’y si Florante, nag-iisang anak ni
Duke Briseo ng Albanya, at ni Prinsesa Floresca ng Krotona. Sa Albanya
siya lumaki at nagkaisip. Ang kanyang ama’y tanungan o sanggunian ni
Haring Linseo at tumatayong pangalawang puno sa kaharian. Isang
matapang na pinuno at mapagmahal na ama si Duke Briseo.
May ilang mahalagang pangyayari noong bata pa si Florante. Nang sanggol
pa’y muntik na siyang madagit ng isang buwitre ngunit nailigtas siya ng
pinsang si Menalipo. Isang araw, isang ibong arkon ang biglang pumasok
sa salas at dinagit ang kanyang dyamanteng kupido sa dibdib. Nang siya’y
siyam na taon na, pinalili[pas niya ang maghapon sa pamamasyal sa
burol. Bata pa’y natuto na siyang mamana ng mga ibon at iba pang hayop.
Naging mapagmahal siya sa kalikasan.
Ang Laki sa Layaw
Lumaki sa galak si Florante. Ngunit ngayon niya naisip na di dapat
palakhin sa layaw ang bata sapagkat sa mundong ito’y higit ang hirap
kaysa sarap. Ang batang nasanay sa ginhawa ay maramdamin at di
makatatagal sa hirap.
Alam ito ni Duke Briseo. Kaya’t tiniis nito ang luha ng asawa at
masakit man sa loob na mawalay sa anak, ipinadla siya ng ama sa Atenas
upang doon mag-aral.
Pag-aaral sa Atenas
Labing-isang taong gulang si Florante nang ipadala sa Atenas upang
mag-aral. Ang naging guro niya rito ay si Antenor. Isa sa mga estudyante
rito ay ang kababayang si Adolfo, na nang una ay nadama na si Florante
na tila pakunwari lamang ang kabaitan ni Adolfo. Anim na taon sa Atenas
si Florante. Sa loob ng panahong ito, natuto siya ng pilosopiya,
astrolohiya at matematika.
Tangkang Pagpatay kay Florante
Nanguna si Florante sa katalinuhan at dinaig niya maging si Adolfo.
Napabalita ang una sa buong Atenas. Dito na lumabas ang tunay na
pagkatao ni Adolfo. Sa isang dulang ginampanan nina kapwa ni Florante,
pinagtangkaan nitong patayin ang huli. Salamat at nailigtas siya ng
kaibigang si Menandro. Kinabukasan din, umuwi sa Albanya si Adolfo.
Namatay si Ina
Naiwan sa Atenas si Florante at nagtagal doon nang isang taon pa. isang
araw, tumanggap ng liham si Florante mula sa ama. Sinasabi sa sulat na
namatay ang kanyang ina. Nawalan ng malay si Florante sa tindi ng
kalungkutan. Hindi nakabawas sa kanyang kalungkutan ang tapat na
pakikiramay ng guro at mga kamag-aral.
Mga Tagubilin ng Maestro
Pagkaraan ng dalawang buwan ng matinding kalungkutan para kay Florante
dumating ang ikalawang sulat ng kanyang ama, kasama ang sasakyang
sumundo sa kanya. Bago umalis pinagbilinan si Florante ng gurong si
Antenor na pakaingatan ng una si Adolfo sapagkat tiyak itong
maghihiganti. Idinagdag pang huwag padadala si Florante sa magiliw na
pakikiharap. Pinayuhan siyang lihim na maghanda nang hindi
nagpapahalata.
Pinayagan ni Antenor si Menandro na sumama kay Florante. Ang
magkaibigan ay inihatid ng kanilang mga kamag-aral hanggang sa daungan.
Paghingi ng Tulong ng Bayang Krotona
Di
nagtagal nakarating sa Albanya ang magkaibigan. Pagkakita sa ama,
napaluha si Florante nang muling manariwa ang sakit ng loob sa
pagkamatay ng ina. Noon dumating ang sugo ni Haring Linseo, dala ang
sulat ng Hari ng Krotona na humihingi ng tulong sapagkat nilusob ang
Krotona ni Heneral Osmalikng Persiya. Pangalawa ito ng bantog na si
Prinsipe Aladin na hinahangaan ni Florante at ayon sa balita’y kilabot
sa buong mundo. Sa narinig, napangiti ang Moro at nagsabing bihirang
magkatotoo ang mga balita at karaniwang may dagdag na.
Nagtungo sa palasyo ng Albanya ang mag-ama. Doon masakit man sa loob,
pumayag din ang ama ni Florante nang ito’y hirangin ng hari na heneral
ng hukbo.
Ang Kariktan ni Laura
Nakilala ni Florante ang anak ng hari na si Laura, isang dalagangkaagaw
ni Venus sa kagandahan, isang kagandahang mahirap isiping
makapagtataksil.
Sa
harap ng kagandahan ni Laura, laging nagkakamali ng sasabihin si
Florante sapagkat natatakot siyang baka di maging marapat sa dalaga.
Paghahanda Patungong Krotona
Tatlong
araw ang piging ng hari para kay Florante. Sa loob ng panahong ito ay
di man lamang nakausap ni Florante nang sarilinan si Laura. Sa
kabutihang-palad, isang araw bago umalis sina Florante upang makidigma,
nakausap nito ang dalaga at pinagtapatan ng pag-ibig. Hindi sumagot ng
‘oo” ang dalaga ngunit lumuha siya nang umalis si Florante patungong
digmaan.
Madugong Paglalaban
Dahil sa luhang pabaon ni Laura, natiis ni Florante ang kalungkutang
bunga ng pagkawalay sa minamahal. Pagdating sa digmaan, naabutan ng
hukbo nina Florante na halos mawasak na ang kaaway ang kuta ng Krotona.
Ngunit magiting na nagtanggol si Florante at ang kanyang mga kawal
hanggang sa hamunin ni Osmalik si Florante na silang dalawa ang
magharap. Limang oras silang naglaban hanggang sa mapatay ni Florante si
Osmalik. Ipinagbunyi ng taong-bayan si Florante lalo nang malamang
ito’y apo ng hari ng Krotona. Ngunit nahaluan ng lungkot ang kanilang
kagalakan nang magkita ang maglolo. Muling nanariwa ang kirot ng
pagkamatay ng ina ni Florante. Dito naisip ni Florante na walang lubos
na ligaya sa mundo.
Pagkaraan ng limang buwan sa Krotona, nagpilit nang bumalik sa Albanya
si Florante upang makita si Laura. Ngunit nang malapit na at natatanaw
na ang moog ng Albanya, biglang kinutuban si Florante.
Tanggulang ng Syudad
Hindi nagkamali ang kutob ni Florante. Nakawagayway sa Albanya ang
bandilang Moro. Pinatigil muna ni Florante ang kanyang hukbo sa paanan
ng bundok. Mula roon natanaw nilang tila pupugutan ng ulo ang isang
babae. Dali-daling lumusob sina Florante at ginapi ang mga Moro.
Naligtas ang babae na walng iba kundi si Laura. Papupugutan ng ulo ang
dalaga sapagkat tinanggihan nito ang pag-ibig ng emir at ito’y sinampal
pa. noon binigkas ni Laura ang “sintang Florante.”
Pinawalan ni Florante ang hari, ang kaniyang ama at ang iba pang
bilanggong kinabibilangan ni Adolfo. Lalong nainggit si Adolfo kay
Florante hindi lamang dahil sa papuring tinanggap kundi dahil nakamit pa
niya ang pag-ibig ni Laura. Dahil dito, muling nagbalak si Adolfo na
ipahamak si Florante.
Ang Kasamaan ni Adolfo
Pagkalipas ng ilang buwan, lumusob ang hukbo ng Turkiya sa pamumuno ni
Miramolin. Ngunit tinalo si Florante si Miramolin. Naging sunod-sunod
ang tagumpay ni Florante hanggang sa umabot sa 17 ang mga haring
nagsigalang sa kanya.
Isang araw, nasa Etolya si Florante at ang kanyang hukbo nang dumating
ang sulat ng hari na nagpapauwi sa kanya. Iniwan niya ang hukbo kay
Menandro. Ngunit pagdating sa Albanya, nilusob siya ng 30,000 sandatahan
at noon di’y ibinilanggo. Noon niya nalamang ipinapatay ni Adolfo si
Haring Linseo at ang kanyang amang si Duke Briseo. Si Laura nama’y
nakatakdang ikasal kay Adolfo. Labingwalong araw na ipiniit si Florante.
Pagkaraan, itinali siya sa gubat na kinatagpuan sa kanya ng gererong
Moro.
Ang Paghihirap ni Aladin
Nang matapos magsalaysay si Florante, nagpakilala ang Moro. Siya si
Aladin mula sa Persiya na anak ni Sultan Ali-Adab. Sinabi ni Aladin na
yamang kapwa sila sawi ni Florante, mamuhay na silang magkasama sa
gubat. Noon isinalaysay ni Aladin ang kanyang pinagdaanang buhay.
Ikinuwento niya ang pakana ng sarili niyang ama upang maagaw sa kanya si
Flerida. Ipinapakulong siya nito sa bintang na iniwan niya ang hukbo sa
Albanya kahit wala pang utos ng sultan. At nang mabawi ni Florante ang
Albanya, hinatulang pugutan ng ulosi Aladin. Pinatawad siya sa
kondisyong aalis siya sa Persiya noon din. Bagama’t nakaligtas sa
kamatayan, higit pang ibig ni Aladin na mamatay kaysa maagaw ng iba ang
pagmamahal ni Flerida.
Ang pagtakas ni Flerida
Natigil
sa pag-uusap ang dalawa nang marinig ang dalawang babaing nag-uusap.
Ayon sa isa, nang malaman niyang papupugutan ng ulo ang kanyang
minamahal, nagmakaawa siya sa sultan. Pumayag ang sultan na patawarin
ang nobyo ng babae, kung papayag itong pakasal sa sultan. Walang nagawa
ang babae kundi ang sumang-ayon. Ngunit nakaalis ang kanyang nobyo nang
di sila nagkausap. Nang gayak na ang kanilang kasal tumakas ang babae na
nakadamit-gerero. Ilang taon siyang naglagalag sa mga bundok at gubat
hanggang sa mailigtas niya ang kausap.
Noon biglang sumulpot sina Florante at Aladin. Sa di inaasahang
pagtatagpong iyon, di masusukat ang kaligayahan ng apat na tauhan.
Pagliligtas kay Laura
Si
Laura naman ang nagsalaysay. Ayon sa kanya, napapaniwala ni Adolfo na
gugutumin ng hari ang taong-bayan kaya’t nagkagulo ang mga ito. Kasunod
ng pagkakagulo, ipinapatay ni Adolfo ang hari at ang matatapat na alagad
nito. Inagaw ni Adolfo ang pagkahari at pinilit si Laurang pakasal sa
kanya. Hindi nagpapahalata ng tunay na niloloob, pumayag si Laura ngunit
humingi ng limang buwang palugit upang magkapanahong mapauwi si
Florante. Sa kasamaang-palad, nahulog si Florante sa pakana ni Adolfo at
naipatapon. Handa nang magpakamatay si Laura nang dumating si Menandro
na siyang nakatanggap ng sulat ni Laura kay Florante. Tumakas si Adolfo,
tangay si Laura na pinagtangkaang abusuhin sa gubat na iyon. Siya
namang pagdating ni Flerida. Pinana nito si Adolfo na namatay noon din.
Masayang Wakas
Matapos ang pagkukuwento ni Laura, dumating si Menandro na may kasamang
hukbo. Laking tuwa nito nang makita ang kaibigang si Florante.
Ipinagbunyi ng hukbo ang bagong hari na si Florante. Ipinagsama nina
Florante sa Albanya sina Aladin at Flerida na kapwa pumayag na maging
Kristiyano. Nakasal sina Florante at Laura at sina Aladin at Flerida.
Umuwi sa Persiya sina Aladin at Flerida nang mamatay si Sultan Ali-Adab.
Nagpasalamat sa Diyos ang mga mamamayang nasisiyahan sa pamumuno nina
Florante at Laura.
Nagwakas ang awit sa hiling ng makata sa kanyang Musa na dalhin kay Celia ang kanyang “Ay!...Ay!”